SAAN NA PATUNGO AND MGA SAKAY NG DYIPNI NGAYON?
Ni: Daisy Princess G. Juquiana
Dyipni. Jeep. Makulay, maingay, mabilis o mabagal ay ganyan maisasalarawan ang sasakyang naging bahagi na ng ating kultura.
Araw-araw, saan mang sulok ng Pilipinas ay nagkalat ang mga dyip na paruo’t-parito. Kanya-kanyang gimik ang mga nagmamaneho nito para maging kakaiba ang anyo. Sari-saring palamuti o adorno ang inilalagay na nagbibigay ng kakaibang tingkad sa anyo nito. Malilibang ka rin habang sakay nito dahil sa saliw ng mga tugtog mula sa stereo.
Kailanman ay di natin maitatanggi ang mga mahahalagang papel na ginampanan, ginagampanan at patuloy na gagampanan ng dyip sa ating buhay at lipunan. Para sa ating mga magigiting na kababayan na nangingibang-bansa, pangkaraniwan na na inilalaan ang ibang kinikita nila sa pagpapagawa o pagbili ng dyip. Bilang katunayan, nakikita at nababasa natin ang mga isinasabit sa istribo ng dyip o kaya ay ipinipinta sa gawing harapan ng mga ito. Andyang mababasa natin ang “KATAS NG SAUDI”, “KATAS NG JAPAN”, “KATAS NG AMERIKA” at kung anu-ano pa na nagbibigay halaga sa dugo’t pawis ng ating mga kababayang OFWs. Napakahalaga rin ng naitutulong ng dyip sa ating mga iskolar. Sila man ay iskolar ng bayan, iskolar ng kanilang mga magulang o ibang kamag-anak, ang dyip na kanilang sinasakyan ang isa sa mga nagbibigay katuparan sa kanilang mga pangarap. Kahit paglipana na rin ang taksi, FX at merong LRT at MRT, mas mura ang pamasahe at di hamak na mas marami pa rin ang bumibiyaheng dyip. Mula bahay, boardinghouse, apartment o condominium, ang mga estudyante ay sakay ng dyip patungo sa kani-kanilang pinapasukang paaralan. Dapat pasalamatan ng ibang mga naging Doktor, Dentista, Nars, enhinyero, Abogado at iba pang mga propesyonal ang mga dyip na kanilang nasakyan. Wala rin sanang anak na Midwife, Nars at Guro si Ka Ambo, apo na Enhinyero si Mang Jose, o kaya kapatid na Accountant si Kuya Juan kung wala ang mga pinapasadang dyip.
Tuwing madaling araw, ang mga karne, gulay at iba pang mga produkto ay lulan ng dyip patungo sa bayan upang ibenta
Sa sobrang bilis ng takbo ng mga dyip sa lansangan, dinadaan na lang natin sa pag-usal ng dasal kasabay ng pagkapit sa malalamig o kinakalawang na bakal upang siguruhin ang ating mga sarili na magiging matiwasay ang ating paglalakbay. Subalit nakakalungkot isipin na sa pag-usad ng panahon, kaalinsabay ng bilis ng takbo ng mga dyip ay ang kapansin-pansin na bilis ng pagbabago sa asal at pakikitungo ng mga sakay nito.
Biyahe mo man ay patungong Ayala, Bel-Air, Makati Ave., Buendia, Taft, Quiapo, Sta. Cruz o Divisoria sa kalakhang Maynila o kahit saang lupalop ng Pilipinas, isa ka sa mga pasahero araw-araw na saksi sa mga nagaganap na pagbabago sa loob ng dyip.
Ang lamig na dulot ng aircon at nakakaindak na tugtog buhat sa stereo ay ilan lang sa mga pagbabago sa loob ng dyip. Sa halip na maging komportable ang mga sakay o kaya ay malibang sa musika, marami na sa mga pasahero ng dyip ang nakakaranas ng kakaibang transpormasyon sa ugali ng mga kapwa nila pasahero. At tiyak na di ikatutuwa ng sinumang pasahero ang mga sari-saring tanawin sa loob ng dyip.
Karaniwan nang eksena na may nakakaidlip sa loob ng dyip at ginagawang unan ang balikat ng kanyang katabi. Meron din namang pagkakataong di mo mawari kung aksidente lang o sinadya na masagi ka sa maseselang parte ng katawan, malislis ang palda at masilipan. Hindi nga ba’t ang pag-ignora sa iyong presensiya ang isa sa mga masasakit na gawin ng iyong kapwa? Hawak ang barya o perang papel, iaabot mo sa nasa iyong unahan na nagkataong malapit sa mamang drayber ang iyong pamasahe. Hindi ka nag-iisa sa loob ng dyip subalit bakit ganon? Bingi o bulag ba ang mga katabi mo? Dulot din ba marahil ng mga komersyal sa telebisyon
SAAN NA NGA BA PATUNGO ANG MGA SAKAY NG DYIPNI NGAYON? Sila ba’y nahihimbing lamang kung kaya lumampas sa kanilang paruruonan o nakalimutan ang kanilang bababaan kung kaya sila’y naliligaw? Hindi rin kaya di tiyak ang pupuntahan o wala talagang siguradong patutunguhan?
Sa mga kapwa ko pasaherong Pilipino, sa susunod na pagsakay sa dyip, saan ka banda pupuwesto at mauupo: sa HARAPAN ba o ika’y makikipag-agawan at makikipag-unahan sa LIKURAN? Isa ka rin ba sa kanila?